
Napadaan kami sa isang higanteng istraktura dito sa Japan. Napapanood ko lang dati sa Discovery Channel ang istrakturang ito subalit kahapon ay nagkaroon ako ng pagkakataon na mapadaan at tumigil pansamantala rito. Ito ang Tokyo Wan Aqualine . Isa itong bridge/tunnel na naguugnay sa Kisarazu City sa Chiba at sa Kawasaki City sa Kanagawa. Mula Chiba ay ang 4.4 km na tulay hanggang sa kalagitnaan ng dagat. Dito ay may isang artificial island na may mga kainan at pamilihan kung saan maaring tumigil pansamantala.Tila may mall na nalutang sa gitna ng dagat. Sa lugar na ito masarap pagmasdan ang paligid ng Tokyo Bay habang papalubog ang araw. Pagkatapos, mula rito ay lulusong na pailalim ng dagat ang tunnel 9.6 kilometro hanggang sa Kawasaki. Sa kahabaan ng tunnel ay kapansinpansin ang mga malalaking elesi na parte ng ventilation system ng tunnel. Ito raw ang pinakamahabang undersea tunnel para sa mga kotse sa buong mundo. Nakakamangha ang mga ganitong istraktura dahil sa point of view ng mga enhinyero ay hindi madaling gawin ang ganito. Gumugol raw ito ng mahigit 30 taon sa paggawa at nagbuwis ng maraming buhay. Mas maiksi ito kung ihahambing sa train tunnel sa English Channel na siyang naguugnay ng England at France. Gayunpaman ay di pa rin matatawaran ang husay sa pagkakagawa nito.
Habang nagmamasid ako sa ibabaw ng aqualine ay sumagi sa aking isip kung pwede kaya itong gayahin sa Pinas. Para kasing angkop na angkop ito sa Manila Bay. Pwedeng pagdugtungin ang Cavite at ang Bataan sa pamamagitan ng tunnel na tatawid sa Manila Bay. Kapag nangyari ito ay mababawasan ang Metro Manila ng malaking volume ng sasakyan dahil ang mga galing sa southern tagalog ay di na kailangang dumaan ng Manila patungong Norte at bise bersa.
Kamakailan ay napabalita rin ang balak ng Russia at US na gumawa ng tunnel sa gitna ng Bering Strait na syang maguugnay ng Siberia sa Alaska. Kapag ito ay natuloy dalawang kontinente na ang mapagdudugtong sa pamamagitan ng tunnel. Mas magiging mahaba pa ito kaysa sa train tunnel ng English Channel.
No comments:
Post a Comment