Tuesday, December 09, 2008

JLPT



JLPT(Japanese Language Proficiency Test)
Ano nga ba talaga ang kahulugan ng pagsusulit na ito para sa akin? Ang hindi na pagpasok sa aming Nihongo class tuwing Biyernes at magkakaroon ka pa ng isang lapad(¥10,000). Eto ang pinakamotivation na nakaset sa aming utak bago magexam. Hihiramin ko ang linya ni Paolo Bediones sa Survivor Phils tuwing bago magsimula ang mga challenges, " Karapat-dapat bang ipaglaban?".

Karapat dapat nga ba? Sino ba ang ayaw ng instant isang lapad . Kaya lang parang kulang pa rin na motivation para sa kin yung isang lapad. Kaya kong kitain yun ng mabilis sa ibang paraan maliban sa aming regular na pagtatrabaho.E yung exemption na sa weekly classes. Eto pwede pa dahil sayang din yung linggo-linggo na pagpapanggap na nakikinig at naiintindihan namin yung lesson na itinuturo. Yung isang oras at kalahati na iyon ay nakakabawas pa sa aming internet time at lakwatsa time. Subalit kung sa ganitong punto ko naman titignan parang may mali pa rin dahil lumalabas na magaaral ako maigi para matigil na ako magaral. If you put it in English mas katuwatuwa pakinggan, Study hard in order to stop studying. What an oxymoron di ba! Parang mali yata kung ganito lang ang gagamitin kong konsepto upang makita ang kahalagahan ng pagsusulit na ito.Kung sinabi pa sanang ang pagpasa dito ay may kinalaman sa aming pangaraw araw na trabaho mas madali pa sana iabsorb ang importansya nito. Meron nga bang kinalaman sa pangarawaraw naming trabaho ito? Sa tingin ko, kung meron man ay maliit lang . Magkakaintindihan pa rin kami sa trabaho kahit di namin maipasa ang pagsusulit na ito. Marahil kung lilipat kami ng trabaho dito sa Japan na talagang nangagailangan ng Language Proficiency Passer, dun pa lang magkakaroon ng saysay ang exam na ito.

Sinubukan ko tanungin ang ilang kakilala ko tungkol dito. Karamihan na nagsabing importante ito ay yung mga kagaya namin na nagtatrabaho sa kaisha. Di ko nga alam kung para sa work talaga nila or napipilitan din sila kagaya namin.

Noong Linggo ay kumuha ako ng Level 3 exam ng JLPT. Di ko pa rin alam kung ano ang motibasyon ko. Para lang akong robot na tinandaan ang mga dapat tandaan at inaral ang mga sinabing dapat pagaralan. May mga parte na nahirapan ako, pagpapatunay lamang na hilaw ang ginawa kung pagrereview.

Ilang araw matapos ang pagsusulit saka palang pumapasok sa isip ko ang kahalagahan ng exam na iyon. Ano mang motibasyon ang paniwalaan ko, pumasa man ako o hindi, sa bandang huli ay advantage pa rin sa akin kung nagaral ako ng maigi. Iniisip ko na isang personal na improvement sa sarili ko ang pagkatuto ng Nihongo, kahit pa sabihin nating hindi ganung kakailangan sa aking trabaho sa kasalukuyan. Para bang nung nagaaral pa lang sa elementary or sa high school. May mga bagay na inaral tayo na di naman natin ginagamit sa buhay natin ngayon. Pero di naman nangangahuluhan iyon na nasayang lang yung oras natin sa pagaaral ng mga iyon. Bagkus ito ay proseso na dapat daanan, kaalamang dapat matutunan para hubugin ang ating pagkatao ngayon. Hindi man natin pansin ay pinayayaman ng mga maliliit na bagay na ito yung ating pagkatao.

Kaya paglabas ng exam results, pumasa man o hindi ay alam ko sa sarili I've learned my lesson, patuloy ang aral.

No comments: